Isa umanong magnanakaw ng bisikleta sa San Diego, California ang huminto muna sa garahe ng bahay ng kaniyang ninakawan para makipaglaro sa aso ng biktima bago tuluyang tumakas.
Sa ulat ng San Diego Police Department noong Biyernes, Agosto 4, inihayag nito na pinasok ng lalaking suspek ang isang garahe sa Pacific Beach noong Hulyo 15 dakong 10:40 ng gabi para nakawin ang isang 2019 black Electra 3-speed bicycle na nagkakahalaga raw ng $1,300.
“This isn't your average bike; it's distinct, featuring ‘8-ball’ caps on the tire valves, an ‘8-ball’ logo on the frame, and a rear wheel frame marked with a checkered black and white pattern,” ulat ng pulisya.
Makikita naman sa CCTV na aalis na sana ang suspek dala ang ninakaw nitong bisikleta nang biglang lumabas ng bahay ang isang “maamong” aso at nilapitan ito habang kumakawag pa ang buntot.
Dahil dito, itinabi muna ng suspek ang ninakaw niya para haplus-haplusin ang aso.
“I love you, too. You're the coolest dog I've ever known,” natutuwa pang sinabi pa ng suspek sa aso, base sa audio recording ng video.
Pagkatapos nito ay tuluyan nang umalis ang suspek dala ang ninakaw niyang bisekleta.
Nanawagan naman ang kapulisan sa publiko sa California na makipag-ugnayan sa kanila kung sakaling may makakilala sa suspek.