Patuloy na uulanin ang ilang bahagi ng Luzon dahil sa epekto ng southwest monsoon o habagat, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Lunes, Agosto 7.
Sa tala ng PAGASA bandang 4:00 ng umaga, posibleng magkaroon ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms ngayong araw sa Batanes, Babuyan Islands, Ilocos Norte, Ilocos Sur, Abra, at Benguet bunsod ng habagat.
Maaari umano ang pagbaha o kaya nama’y pagguho ng lupa dahil sa katamtaman hanggang malakas na ulang posibleng maranasan sa mga nasabing lugar.
Samantala, asahan naman ang medyo maulap hanggang sa maulap na may kasamang isolated rainshowers o thunderstorms sa Metro Manila at mga natitirang bahagi ng bansa dulot ng habagat o ng localized thunderstorms, ayon sa PAGASA.
Pinag-iingat din ng PAGASA ang mga residente sa mga naturang lugar sa posible umanong pagbaha o pagguho ng lupa tuwing magkakaroon ng severe thunderstorms.