Pormal nang nagsimula nitong Lunes ang enrollment o pagrerehistro ng mga estudyante para sa School Year 2023-2024, gayundin ang national kickoff ng Brigada Eskwela.
Base sa DepEd Order 22 na nilagdaan ni Vice President at Department of Education (DepEd) Secretary Sara Duterte, ang enrollment para sa nalalapit na pasukan ay simula sa Agosto 7 hanggang 26, 2023.
Ayon kay DepEd Spokesperson Michael Poa, inaasahan nilang aabot sa 28.7 milyon hanggang 28.8 milyon ang mga enrollees ngayong taon.
Samantala, ang Brigada Eskwela naman na isang nationwide school maintenance program ay isasagawa mula Agosto 14 hanggang 19.
Sa national kickoff ng 2023 Brigada Eskwela nitong Lunes sa Tarlac National High School, ipinaliwanag ni Duterte na ang inisyatiba ay isang apela sa bawat Pinoy na magbayanihan at tumulong sa paghahanda sa pagbubukas ng klase.
Kaugnay nito, ang Oplan Balik Eskwela (OBE), na taunang inisyatiba para sa paghahanda para sa pasuka, ay isasagawa rin naman mula Agosto 14 hanggang 26.
Una nang itinakda ng DepEd ang unang araw ng pasukan sa Agosto 29.
Itinakda naman ang end of school year break mula Hunyo 17 hanggang Agosto 25, 2024.