Inisa-isa ni Senador Alan Peter Cayetano ang mga maaari raw gawin ng pamahalaan ng Pilipinas bilang tugon sa naging pag-atake ng Chinese Coast Guard (CCG) sa sasakyang pandagat ng Philippine Coast Guard (PCG) sa Ayungin Shoal noong Sabado, Agosto 5.

MAKI-BALITA: PCG vessel, binomba ng tubig: China Coast Guard, kinondena ulit ng Pilipinas

Sa isang panayam ng media nitong Lunes, Agosto 7, iginiit ni Cayetano na diplomatikong protesta ang kailangang gawin ng pamahalaan at hindi umano “microphone diplomacy.”

“We should do everything, but kailangan natin ng wisdom here. If you hate your enemy at magiging emotional ka, you will stop studying their history, their stand, and their reaction on whatever we will do,” ani Cayetano.

National

Meralco, tapyas-singil sa kuryente ngayong Mayo

“I don't agree with megaphone or microphone diplomacy, but (we have to file a diplomatic protest) kapag ganito kasi ka-blatant and also for the morale of our men and women in the coast guard and also for our neighbors to see that hindi man tayo papayag,” dagdag niya.

Binanggit din ni Cayetano ang “holistic approach” na ginawa umano ng Department of Foreign Affairs (DFA) noong siya ang kalihim sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Ani Cayetano, isinasaalang-alang nila noong panahong iyon ang “people-to-people relations," ekonomiya, turismo, at posibleng partisipasyon ng China sa mga proyektong pang-imprastraktura ng bansa.

Iginiit din niya na hindi nawawala o humihina ang “claim” ng Pilipinas sa WPS kapag hindi umano ito nagsasampa ng protesta.

“It was a fake news that if you don't protest, mawawala ‘yung claim mo diyan. That was a misinformation to our people. So once we clarified that, we used it when necessary,” aniya.

Sinabi rin ni Cayetano na maaari ring ipatawag ng gobyerno ng Pilipinas si Chinese Ambassador to the Philippines Huang Xilian basta’t bahagi umano ng layunin nito ang pagkakaroon ng “heartfelt dialogue.”

Magiging kapaki-pakinabang din aniya para sa Pilipinas na ipagpatuloy ang pagsusulong ng “Code of Conduct” kasama ang mga miyembro ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN).

"What if for some reason, China withdraws from the WPS? We will still not be at a strategic advantage because Vietnam has 11 within our EEZ (Exclusive Economic Zone), Malaysia has 5, Taiwan medyo malaki na ang reclamation,” saad ni Cayetano.

Bukod dito, hinikayat din ni Cayetano ang pamahalaan na maging bukas sa joint exploration ng langis at gas kasama ang China, dahil magiging daan umano ito tungo sa kapayapaan sa pagitan ng dalawang bansa.

“We should really ask China, ‘Are you still interested in joint exploration of oil and gas?' ‘Pag mag-partners kayo at pareho kayong nakikinabang diyan sa oil and gas, definitely may peace. It is a technique,” ani Cayetano.

“Ang magkapitbahay pwedeng mag-away everyday for whatever reason, pero kung ang kapitbahay are business partners and maganda ang takbo ng business, they will not fight with each other,” dagdag niya.

Samantala, inihayag ni Cayetano na sa tingin niya ay ang pagiging malapit ng Pilipinas sa United States ang isa sa mga posibleng dahilan ng nasabing muling pag-atake ng China.

“Sobrang disturbing na may magandang meeting, tapos the Senate showed firm resolve against China with multiple diplomatic options, and then suddenly something like this happens. I’m quite sure that there’s something behind this,” aniya.

“May mga nangyayari diyan on the ground na naiipit tayo minsan sa strategic rivalry ng US at China.”

Binigyang-diin din niya na mahalagang makipag-usap ang pamahalaan ng Pilipinas sa pamahalaan ng China “at a very high level” upang malaman umano ang malalim na dahilan ng nasabing “harassment.”

“That’s why I’m in favor of President Duterte becoming a very very special, senior minister type of special envoy. Pero hindi lang isang upuan ito, and it should be done on the highest level,” saad pa ni Cayetano.

Matatandaang nagsilbi si Cayetano bilang Foreign Affairs Secretary mula taong 2017 hanggang 2018.