Humingi ng paumanhin ang isang drone provider matapos umano nilang aksidenteng mabaligtad ang pormasyon ng watawat ng Pilipinas sa isinagawa nilang drone show, sa closing program ng Palarong Pambansa na ginanap sa Marikina City.
Makikita sa drone lights show na nasa itaas ang pula at nasa ibaba naman ang asul. Ibig sabihin nito, nasa "digmaan" ang bansa.
Maging ang lokal na pamahalaan ng Marikina City, sa pangunguna ni Marikina City Mayor Marcy Teodoro, ay nagpahayag ng kanilang pagkadismaya sa nabanggit na "kapalpakan."
"Sa selebrasyon ng pagtatapos ng 63rd Palarong Pambansa ay parte ng programa ang isang drone show mula sa supplier ng lungsod na Dronetech ph.," mababasa sa kanilang opisyal na Facebook page.
"Sa nasabing Drone Show ay nagkaroon ng pagkakamali sa formation ng bandila ng Pilipinas kung saan pula ang nasa ibabaw at asul ang nasa ibaba."
"Mariing kinondena ng Marikina City Government sa pangunguna ni Mayor Marcy Teodoro ang pangyayari at pinapakasuhan ang Dronetech ph upang madetermina ang mga legal na pananagutan ng kumpanya kasama na rin ang mga kalakip na kaparusahan at multa."
Sa isang opisyal na pahayag, sinabi ng kompanya na hindi intensyonal ang pagkakamali dahil hindi umano sila nakapag-praktis nang maayos dahil sa mga nagdaang sama ng panahon.
Taos-puso umano ang paghingi nila ng tawad sa mga mamamayan ng Marikina, sa mga opisyal ng lokal na pamahalaan, at sa buong Pilipinas dahil sa mga nangyari.
"PUBLIC APOLOGY for the 2023 Palarong Pambansa Drone Light Show," nakasaad sa caption ng kanilang Facebook page.
Inilabas ang public apology nitong Sabado, Agosto 5, 2023.