Tinatayang 21 indibidwal umano ang nasugatan matapos yanigin ng magnitude 5.4 na lindol ang silangang bahagi ng China nitong Linggo ng madaling araw, Agosto 6.
Sa ulat ng Agence France-Presse, inihayag ng US Geological Survey (USGS) na nangyari ang lindol bandang 2:33 ng madaling araw.
Namataan umano ang epicenter nito 26 kilometro ang layo sa timog ng city of Dezhou sa Shandong province, na may lalim na 10 kilometro.
Bukod sa 21 nasugatan, 126 mga bahay o gusali umano ang gumuho dahil sa lindol na sinundan pa ng 52 aftershocks.
Ayon naman sa state news agency Xinhua, naglunsad ang Ministry of Emergency Management ng China ng level four emergency response at nagsagawa ng rescue operation sa Shandong province.