Iniimbestigahan na ng mga kongresista ang pagkawala at pagkamatay ng isang preso sa National Bilibid Prison (NBP) kamakailan.

Nais ng House Committee on Public Order and Security na pinamumunuan ni Rep. Dan Fernandez (Lone District, Sta. Rosa City, Laguna) na maliwanagan sa mga insidente sa nasabing maximum-security compound.

Nauna nang nilinaw ni Bureau of Corrections (BuCor) chief General Gregorio Catapang, Jr. na idineklara lang niya na nawawala ang nasabing preso dahil natuklasan sa imbestigasyon na hindi ito tumakas.

Kamakailan, natunton ang nasabing preso sa isang septic tank, sa tulong na rin ng K9 unit ng NBP.

Kaugnay nito, iniimbestigahan na rin ng komite ang umano'y patuloy na operasyon ng kriminal sa loob ng bilangguan at ang usapin sa pagsisiksikan sa Bilibid.

Matatandaang inihayag ni Department of Justice (DOJ) Secretary Jesus Crispin Remulla na aabot na sa 36,000 ang nakakulong sa NBP na may kapasidad na 5,700 preso.