Matapos ang kaniyang mga naging pahayag tungkol sa hindi pagtawag sa atensyon ng noontime show na "E.A.T." dahil sa lambingan ng kaniyang mga magulang na sina dating senate president Tito Sotto III at Helen Gamboa, maraming netizen ang naniniwalang may "conflict of interest" kay Lala kaya marapat daw na magbitiw na lamang siya sa tungkulin bilang chair ng Movie and Television Review and Classification Board o MTRCB.

Nakapanayam si Sotto-Antonio ng batikang showbiz columnist na si Cristy Fermin kamakailan, at dito sinabi ng MTRCB chair na wala siyang nakikitang paglabag sa ginawa ng kaniyang mga magulang sa nabanggit na noontime show.

Marami kasi ang kumukuwestyon sa kaniya, kung ipatatawag din ba niya ang producers ng show, kagaya ng ginawa ng ahensya sa katapat nitong programang "It's Showtime" dahil kina Vice Ganda at Ion Perez.

“Lumaki po kasi akong gano’n, na halos araw-araw ng buhay naming magkakapatid mapa sa telebisyon, maski saan. Mula po noong bata kami. They have been married for 55 years now,” aniya.

MTRCB Chair Lala Sotto nanindigang walang nilabag mga magulang sa E.A.T.

"Nakarating din po sa’min na may konting mga reklamo na ako raw ay unfair, hindi patas, hindi ko raw pinapatawag E.A.T..."

"Wala pong dahilan para ipatawag ang E.A.T. dahil ‘di po sila deserving for a notice to appear.”

“Malinaw na walang anumang hindi angkop na nangyari sa binanggit na kilos ng aking mga magulang sa programang E.A.T. Wala rin po silang nilabag [na] gabay ng MTRCB kaya hindi po dapat bigyan ng Notice To Appear at hindi dapat ipatawag ang E.A.T.”

Ipinagdiinan din ni Sotto-Antonio na sila ay isang quasi-judicial body at may sarili silang patas na proseso pagdating sa kanilang trabaho.

“Ang MTRCB ay isang quasi-judicial body. We are also a national government agency, ibig sabihin mayroon kaming sariling proseso, mayroon kaming sariling due process."

“Hindi naman porke may isang nag-complain ay bibigyang patotohanan na agad ito. We act on complaints but we need complete information," aniya pa.

Batay sa reaksiyon at komento ng mga netizen sa comment section ng iba't ibang social media platforms, nararapat umanong magbitiw na lamang si Sotto-Antonio dahil sa "conflict of interest."

Naniniwala ang mga netizen na ang dapat maupo sa nabanggit na ahensya, ay isang taong walang kaugnayan sa kahit na sinong artista o celebrity na may kasalukuyang umeereng show sa kahit na alinmang TV network upang hindi mahaluhan ng isyung "bias" at "unfair" ang kanilang mga hakbangin sa ahensya.

Nagkataon nga kasing mga magulang ng MTRCB chair ang mismong iniisyu sa show.

Narito ang ilan sa mga reaksiyon at komento ng netizens:

"#BiasMTRCB."

"Nakakatakot 'yong ang chairman pa mismo ang naninindigan. Ang taong bayan na pinagsisilbihan na n'ya ang nagsasabi pero s'ya pa ang nagtatakip hahahahaha ang saya-saya! Puwedeng magtanong medem nong election sino ba talaga ang binoto n'yo si Lacson o si Jr? Curious lang po."

"Dapat kasi yung magiging mtrcb chairman na uupo ay walang conflict of interest dapat.... Para patas."

"Whoa! Here we go again! Double standard cards are being waved!!!"

"Dapat ang mauupo sa ahensya na 'yan walang conflict of interest..."

Samantala, marami rin ang nagtanggol sa mag-asawang Sotto na wala naman daw masama sa kanilang ginawa, lalo't mag-asawa naman sila.

"Masyado n'yo lang pinapalaki yung isyu!"

"Totoo naman kasi. Hindi naman bothering yung ginawa nina Titosen and Helen."

"I don't see wrong sa naging acts ng mag-asawa, legally married sila sa bansa."

"Iba naman kasi yung ginawa nina Vice and Ion, medyo disturbing... don't compare."

Wala pang tugon, reaksiyon, o pahayag ang MTRCB chair tungkol dito.