"Mga tunay na inspirasyon."
Naantig ang damdamin ng dating basketball player at sportscaster ng "Frontline Pilipinas" na si "Tito" Mikee Reyes sa kuwento ng dalawang atletang naka-barefoot o nakayapak lamang nang sumali sa marathon sa Palarong Pambansa.
Sa kaniyang TikTok, ibinahagi ni Reyes ang pagsama niya kay "Shane" sa isang mall upang ipag-shopping ito ng sapatos.
Pati umano ang nakalaban nitong si "Jacky Rose" ay bibilhan din niya.
Nahaplos ang puso ni Reyes sa kuwento ng dalawang bata dahil sa sipag at dedikasyon ng mga ito sa kanilang pagtakbo.
Naniniwala si Reyes na baka sina Shane at Jacky Rose ay maging kinatawan ng Pilipinas sa SEA Games, o kahit sa Olympics balang araw.
Umani naman ito ng iba't ibang reaksiyon at komento mula sa netizens.
"Thank you for helping her. We are indeed the home of the CHAMPIONS because of people like you who help us! #WesternVisayasHomeOfChampions."
"Thank you for appreciating our Athletes! 🤝 Gwapo mo lalo 🙌🏽."
"Good job Tito Mikee!"
Ani Mikee, alam niyang magkakaroon daw siya ng "haters" sa gagawin niya subalit "it is what it is" daw dahil talagang natuwa siya kina Shane at Jacky Rose.
Si Mikee kasi ang nagsilbing host ng opening program ng Palarong Pambansa kaya na-invest daw ang emosyon niya rito.
"Na-touch talaga 'ko sa mga kuwento nila noong ni-report ko kahapon sa Frontline [Pilipinas], ginanahan pa 'kong magsipag. So yung gastos ko today, para muna sa kanila," anang "Sports Tito."
Pinag-shopping ni Mikee ng branded shoes, damit, shorts, at bags sina Shane at Jacky Rose.