Patuloy na makaaapekto ang southwest monsoon o habagat sa kanlurang bahagi ng Luzon, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Sabado, Agosto 5.
Sa tala ng PAGASA bandang 4:00 ng umaga, maaaring makaranas ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms sa Ilocos Region, Batanes, Babuyan Islands, Abra, Benguet, Zambales, and Bataan bunsod ng habagat.
Posible umano ang pagbaha o kaya nama’y pagguho ng lupa dahil sa katamtaman hanggang malakas na ulan.
Samantala, asahan naman ang medyo maulap hanggang sa maulap na may kasamang isolated rainshowers o thunderstorms sa Metro Manila at mga natitirang bahagi ng bansa dulot ng habagat o ng localized thunderstorms , ayon sa PAGASA.
Pinag-iingat din ang mga residente sa nasabing lugar sa posible umanong pagbaha o pagguho ng lupa tuwing magkakaroon ng severe thunderstorms.