Sinubukan ni European Union Ambassador to the Philippines Luc Veron ang ilang Filipino tongue twisters bilang pakikiisa umano sa pagdiriwang ng Pilipinas ng Buwan ng Wikang Pambansa ngayong Agosto.

Sa kaniyang post sa platapormang X (Twitter) nitong Biyernes, Agosto 4, nagbahagi si Veron ng isang video kung saan makikitang sinusubukan niyang bigkasin ang dalawang tongue twisters ng mga Pinoy.

“Magandang hapon sa inyong lahat. In honor of the Filipino language month, I would like to try a few twisters for you,” saad ng envoy sa video.

Doon ay binasa na niya ang “Bituka, Botika, Butiki” at ang “Nakakapagbagabag kapag kinakabag ka.”

#BuwanNgWika: Mga petsa kung kailan unang ipinagdiwang ang Wikang Pambansa

Matapos nito, binigkas din ni Veron ang isa naman umanong French tongue twister.

“Les chaussettes de l’archiduchesse sont-elles sèches? Oui elles sont sèches, archi-sèches,” aniya.

“Happy Buwan ng Wika,” pagbati pa ng envoy sa video.

Sa caption ng naturang video, nagbigay rin si Veron ng challenge sa kaniyang followers na magkomento sa kaniyang post ng video kung saan sila naman ang bumibigkas ng French tongue twister na: “Les chaussettes de l’archiduchesse sont-elles sèches ? Elles sont sèches, archi-sèches.”

“Maybe, there will be a small prize for the best participant,” saad pa niya.

Ngayong buwan ng Agosto ipinagdiriwang ng mga Pilipino ang Buwan ng Wikang Pambansa upang patuloy ring mapahalagahan ang wikang Filipino na daan umano sa pagkakabuklod-buklod ng bawat Pilipino bilang isang bansa.