Upang labanan umano ang mga maling impormasyon na kumakalat online, naglunsad ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng “anti-fake news campaign” na tinawag na “#SaTrueLang.”

Inilathala nina DSWD Assistant Secretary Romel Lopez at Director Aldrine Fermin ang opisyal na campaign video ng programa sa gitna ng paglulunsad nito nitong Biyernes, Agosto 4.

“Marami sa ating mga kliyente, maging ang publiko, ay madalas nahihirapang tukuyin kung ang impormasyon na kanilang nakukuha online o sa kapitbahay ay legit ba o hindi,” ani Lopez.

Sa pangunguna ng Social Marketing Service, ang opisyal na sangay ng komunikasyon ng DSWD, ang kampanyang #SaTrueLang ay naglalayon umanong mapalakas ang vulnerable sectors na maging instrumento sa pagkontra ng mga maling impormasyon online.

National

VP Sara sinabing si Romualdez ang gustong pumatay sa kaniya

Binanggit naman ni Fermin na makikibahagi ang DSWD sa iba't ibang information caravans, kung saan isasagawa ang face-to-face orientation kung paano kontrahin ang “fake news” at tukuyin ang mga lehitimo at pekeng impormasyon.

“Magsasagawa tayo ng fact-checking sa online upang magbigay ng babala sa publiko ukol sa mga kumakalat na fake news o kaya ay mga maling content,” pahayag ni Fermin.

Hinikayat naman ni Lopez ang mga mamamayan na i-report sa DSWD ang anumang maling impormasyon at kahina-hinalang content na makikita nila sa social media platforms.

“Sabay-sabay tayong magbantay para lahat tayo #SaTrueLang! Ugaliing magtanong, mag-imbestiga at maging mapanuri upang hindi maging biktima,” saad ni Lopez.