NDRRMC: Patay sa bagyong Egay, 29 na!
Nasa 29 na ang naiulat na nasawi sa pagtama ng bagyong Egay at Falcon sa bansa.
Ito ang isinapubliko ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) nitong Biyernes at sinabing nasa 805,621 pamilya ang apektado ng kalamidad.
Paliwanag ng NDRRMC, dalawa ang nakumpirmang nasawi sa Calabarzon (Region 4A) at Western Visayas.
Isinasailalim pa sa validation ang 27 iba pa, kabilang ang 14 sa Cordillera Administrative Region (CAR), walo sa Ilocos Region, tatlo sa Calabarzon at tig-isa sa Western Visayas at Davao Region.
Nasa 11 naman ang naiulat na nawawala. Gayunman, sinabi ng NDRRMC na kinukumpirma pa rin nila ito.
Umabot naman sa 56,694 na bahay sa 13 rehiyon ang naiulat na nasira.
Matatandaang hinagupit ng bagyong Egay ang malaking bahagi ng Luzon nitong Hulyo 26 na sinundan naman ng bagyong Falcon.