Pinangunahan ni Senador Risa Hontiveros nitong Biyernes ang pamimigay ng relief goods sa mga residente ng Bulacan at Pampanga na naapektuhan ng matinding pagbaha dulot ng bagyong Egay, bagyong Falcon, at habagat.

“Matinding hamon po sa buhay at kabuhayan ang hinaharap ng mga residente mula sa Bulacan, Pampanga at iba pang lugar na sinalanta ng bagyo at baha. Umaasa tayo na ang aming paunang ayuda ay makakatulong sa ating mga kababayan na bumangon at magsimula muli,” saad ni Hontiveros.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Sa Bulacan, tinulungan siya nina Bulacan Governor Danial Fernando, Calumpit Mayor Glorime Faustino, at Department of Social Work and Development (DSWD) Region 3 Director Jonathan Dirain sa pamimigay ng relief goods sa unang batch ng 1,000 pamilya sa bayan ng Calumpit.

Sa Pampanga, nagtungo si Hontiveros sa bayan ng Macabebe at Masantol upang bisitahin ang local leaders at residente at pinangunahan ang pagbibigay ng mga relief goods ng gobyerno sa unang batch ng 1,000 pamilya na nananatili sa mga evacuation center

“Matinding pinsala o catastrophic damage ang hinaharap ng ating mga kababayan dahil sa nagdaang mga bagyo, lalo na sa mga nasalantang pananim. Sa lalawigan ng Bulacan pa lang, kalahating bilyong piso na halaga ng ari-arian ang nasira. Kaya magpapatuloy po ang ating pag-ikot at pag-hatid ng ayuda para sa mga kababayan sa iba’t ibang bahagi ng bansa na lubos na nangangailangan ng tulong,” pagbibigay-diin ni Hontiveros.

Sinabi rin ng senador na patuloy siyang makikipagtulungan sa DSWD at sa mga lokal na pamahalaan ng Bulacan at Pampanga para sa tuluy-tuloy na paghahatid ng relief package sa iba pang lugar na binaha sa dalawang lalawigan sa mga susunod na araw at linggo.

Gayundin, sinabi ni Hontiveros na makikipagtulungan siya sa mga private sector partners para magbigay ng relief goods sa mga lugar sa Bataan at Tarlac na nasalanta rin ng pagbaha.

Sinisikap din ni Hontiveros na muling buhayin ang kaniyang “Healthy Pinas” mobile clinic program na kung saan nagbibigay ito ng libreng medical services kagaya ng X-Ray, ultrasound, at blood tests.

“Kasama ng agarang ayuda para sa kalusugan at kabuhayan ng mga pamilyang apektado ng pagbaha at bagyo, dapat pagtuunan din natin ng pansin ang long-term solutions sa  isyu ng disaster preparedness at climate change adaptation. Tututukan natin sa Senado ang mga reporma na kailangan para mabawasan ang dagok sa mamamayan ng matinding ulan at bagyo na hatid ng global climate change,” anang senador.