Hindi ikinahihiya ng BS Criminology graduate na si Francis John Karl Padilla, 22-anyos, mula sa Koronadal City, Sout Cotabato na napagtapos niya ang kaniyang sarili sa pag-aaral dahil sa pagiging make-up artist.

"MAKE UP ARTIST NAKAPAGTAPOS NG BACHELOR OF SCIENCE IN CRIMINOLOGY," ani Padilla sa kaniyang Facebook post noong Hulyo 26, 2023.

"YES PO! AKO PO AY ISANG MAKE-UP ARTIST NA NAKAPAGTAPOS NG BS CRIMINOLOGY SA SOUTHEAST ASIAN INSTITUTE OF TECHNOLOGY (SEAIT ) TUPI, SOUTH COTABATO. AT HINDI KO IKINAKAYAHIYA ANG ANG TRABAHO NA'TO."

"MARAMING SALAMAT SA MGA TAONG NAGING [PARTE] NG AKING COLLEGE LIFE CLASSMATES, FRIENDS, FAMILY RELATIVES, TEACHERS KO AT SA NAGING CLIENTS KO I SEND YOU MY SINCERELY THANKS."

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

Ayon sa panayam kay Padilla, marami man ang namamangha sa pagiging make-up artist niya na tila "saliwa" raw sa kursong kaniyang pinagtapusan, hindi niya ito alintana dahil ito ang ginamit niya upang makapagtapos ng pag-aaral at maging isang ganap na pulis sa malapit na hinaharap.

Dumami umano ang kaniyang mga parukyano noong kasagsagan ng pandemya hanggang sa nagtuloy-tuloy na ito.

Maliban sa napagtapos ang pag-aaral, nagamit din niya ang pagiging make-up artist upang maipagamot ang kaniyang inang na-stroke, at nakatulong din sa pagpapaaral sa kaniyang nakababatang kapatid.

Naghahanda na umano si Padilla para sa nalalapit na board exam.

---

Nais mo bang mai-feature ang iyong storya o ‘di kaya mayroon kang larawan at video na gusto mong i-share? I-message mo lang kami sa aming Facebook at Twitter!