Kinaantigan online ang pagsagip ng netizen na si Jonadel Toralde sa dalawang aso sa kalsada, kung saan ang isa rito ay biktima pa umano ng hit-and-run accident sa gitna ng malakas na ulan.

Sa post ni Toralde sa Facebook group na “DOG LOVERS PHILIPPINES,” kinuwento niya na pauwi siya sa Baliwag, Bulacan nang madaanan niya sa Sta. Rita exit mula sa NLEX ang isang babae at lalaking aso sa kalsada na kalauna’y pinangalanan niyang Rita at Toll.

Nang hintuan daw niya ang mga ito, doon na niya nalaman na na-hit-and-run si Rita at naghihingalo na.

“Ang loyal ng male puppy ayaw niyang iwan ‘yung kapatid niya kahit na ang lakas ng ulan. Sa gitna ng kalsada ko sila naabutan, walang pumapansin,” kuwento ni Toralde sa kaniyang post.

Human-Interest

Traditional jeepney, mas maayos pa ring sakyan daw kaysa sa modern jeepney

Nagpapasalamat naman daw si Toralde sa truck drivers na nagpapahinga sa isang kanto ng naturang lugar dahil tinulungan siya ng mga itong buhatin para ilagay sa kotse ang dalawang asong kaniyang ire-rescue.

“Thanks to them they were so kind and helpful. Hindi ko nakuha ‘yung pangalan nila kuya but let’s include them in our prayers,” ani Toralde.

Idinala raw si Rita sa isang veterinarian para ipagamot, habang inuwi na niya sa kanilang bahay si Toll para alagaan.

Ibinahagi naman ni Toralde sa panayam ng Balita na ligtas na ngayon si Rita at malapit nang i-discharge sa beterinaryo.

“Safe naman na siya based on the initial lab results pero magmemedication pa siya,” saad ni Toralde sa Balita.

“Nakahanap na ako ng animal shelter para kay Rita, [si] Toll naman aampunin ko,” dagdag pa niya.

Marami naman ang naantig sa kabutihang ginawa ni Toralde sa mga dalawang aso. Narito ang ilan sa mga komento ng netizens:

“Salamat nqng marami po sa kabutihan ninyo kina rita & toll! Si Papa God na po ang magsusukli sa inyo ng biyaya .”

“God bless... bahala na Diyos ang magpala sa iyo.”

“Praying for Rita Thanks for your help Jonadel.”

“Napakabuti po ng puso ninyo. Maraming salamat po sa pagtulong sa kanila. God bless you more po.”

“God bless you po sa pagsaagip sa mga aso..sana po marami ka pang matungan na stray dogs and cats..Kudos.”

Nais mo bang mai-feature ang iyong storya o ‘di kaya mayroon kang larawan at video na gusto mong i-share? I-message mo lang kami sa aming Facebook at Twitter!