Nais na ni Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) Secretary Jose Rizalino Acuzar na bigyan ng cash assistance ang mga pamilyang nawalan ng bahay dahil sa paghagupit ng bagyong Egay kamakailan.

Sa idinaos na pagpupulong kamakailan, inatasan ni Acuzar sina Undersecretary Avelino Tolentino III at Undersecretary Randy Escolango na simulan na ang pagpapalabas ng pondo sa mga regional office na naapektuhan ng bagyo.

Aabot sa ₱23 milyon ang inilaan ng DHSUD Central Office na emergency assistance para sa mga pamilyang totally damaged ang mga bahay.

"We must focus our efforts now in assisting families who lost their homes. Let's expedite the delivery dahil kailangan na ito agad," ayon sa opisyal.

"Kailangan pro-active lagi tayo sa pagtulong sa ating mga kababayan na naapektuhan ng bagyo...dapat maramdaman agad ang tulong at malasakit ng gobyerno," sabi ni Acuzar.

Sa huling datos ng ahensya, aabot na sa 1,954 bahay ang nawasak ng bagyo, karamihan ay naitala sa Region 1, 2 at Cordillera Administrative Region (CAR).

Iniutos na rin nito sa mga attached agency ng DHSUD, partikular na ang National Housing Authority (NHA) at Home Development Mutual Fund (Pag-IBIG Fund) na umpisahan na ang pagbibigay ng tulong.