Binisita ni dating Pangulong Rodrigo Duterte si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa Malacañang nitong Miyerkules, Agosto 2, kung saan pinag-usapan umano nila ang detalye sa pagpupulong nina Duterte at Chinese President Xi Jinping noong nakaraang buwan.

Ayon sa Presidential Communications Office (PCO), tinanggap ni Marcos at kaniyang mga gabinete tulad nina Executive Secretary Lucas Bersamin, Special Assistant to the President Secretary Antonio Lagdameo Jr., National Defense Secretary Gilbert Teodoro, Solicitor General Menardo Guevarra at PCO Secretary Cheloy Garafil, ang pagdating ni Duterte dakong 6:15 ng gabi.

Kasama rin ng dating pangulo sa pagbisita sa Malacañang sina Senador Christopher Go at dating Executive Secretary Salvador Medialdea.

MAKI-BALITA: PBBM, Digong nagkaharap sa Malacañang

Internasyonal

Mga Pinoy na ilegal na naninirahan sa Amerika, binalaan ng PH Ambassador

Nagkaroon umano ng one-on-one meeting sina Marcos at Duterte kung saan napag-usapan daw nila ang naging pakikipagpulong ng huli kay Xi sa Diaoyutai State Guesthouse sa Beijing noong nakaraang buwan.

Napag-usapan din umano nila ang iba pang isyu, kung saan nagbigay umano ang dating pangulo ng mga payo kay Marcos.

Matapos ang one-on-one meeting, sinamahan na raw sila ng cabinet secretaries, maging nina Go at Medialdea.

Natapos ang naturang pagpupulong dakong 8:15 ng gabi, ayon sa PCO.