Ngayong buwan ng Agosto, ipinagdiriwang ng mga Pilipino ang Buwan ng Wikang Pambansa sa pangunguna ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF), na ahensyang nangangalaga sa pagpapaunlad at pagpapayabong ng wikang Filipino bilang pambansang wika ng Pilipinas.

Ngunit bago ang isang buwang pagdiriwang na ito, alam mo bang unang ipinagdiwang ang wikang Filipino sa ibang petsa at buwan ng taon?

Narito ang mga petsa kung kailan unang ipinagdiwang ang Wikang Pambansa:

Marso 27 hanggang Abril 2 (1946-1953)

Eleksyon

COC Filing DAY 5: Mga naghain ng kandidatura ngayong Oktubre 5

Sa pamamagitan ng Proclamation No. 35, taong 1946 nang idineklara ni dating Pangulong Sergio Osmeña ang isang linggong pagdiriwang ng Wikang Pambansa ng Pilipinas mula Marso 27 hanggang Abril 2 kada taon.

Itinapat ng dating pangulo ang huling araw ng isang linggong pagdiriwang ng Wikang Pambansa sa petsang Abril 2 na araw ng kapanganakan ng Pilipinong makata at manunulat na si Francisco Baltazar, ang nagsulat ng awit na Florante at Laura.

Marso 29 hanggang Abril 4 (1954-1955)

Taong 1954 naman nang baguhin ni dating Pangulong Ramon Magsaysay ang proklamasyon ni Osmeña at inilipat ang pagdiriwang ng Wikang Pambansa mula Marso 29 hanggang Abril 4 kada taon sa pamamagitan ng Proklamasyon Blg. 12.

Binago ni Magsaysay ang petsa ng nasabing pagdiriwang upang maitapat umano sa gitna ang kaarawan ni Francisco Baltazar.

Agosto 13 hanggang Agosto 19 (1956-1996)

Sinusugan din ni Magsaysay ang kaniyang Proklamasyon Blg. 12 noong Setyembre 1955, matapos niyang ilipat ang petsa ng pagdiriwang ng Wikang Pambansa sa Agosto 13 hanggang 19 kada taon. Ang nasabing paglilipat ng petsa ay sa pamamagitan naman ng Proklamasyon Blg. 186.

Base sa proklamasyon, inilipat sa buwan ng Agosto ang pagdiriwang ng Wikang Pambansa sapagka’t ang Marso 29 hanggang Abril 4 ay bakasyon sa paaralan nang panahong iyon. Dahil Hulyo ang simula ng pasok sa paaralan noon, makalalahok umano ang mga estudyante sa pagdiriwang ng Wikang Pambansa sa Agosto 13 hanggang 19.

Agosto 1 hanggang Agosto 31 (1997-kasalukuyan)

Ginawang isang buong buwan ni dating Pangulong Fidel Ramos ang pagdiriwang ng wikang Filipino noong 1997.

Sa pamamagitan ng Proklamasyon Blg. 1041, idineklara ang Agosto 1 hanggang 31 bilang Buwan ng Wikang Pambansa. Natapat din sa buwang ito ang kapanganakan ni dating Pangulong Manuel Quezon, na kinilalang “Ama ng Wikang Pambansa.”

Si Quezon ang kinikilalang “Ama ng Wikang Pambansa” dahil sa ilalim ng kaniyang termino bilang Pangulo ng Pilipinas noong 1935, inatasan ang Kapulungang Pambansa na magpasa ng Commonwealth Act 184 na naglalayong bumuo ng isang Surian ng Wikang Pambansa o SWP. 

Ang SWP ang inatasang magsagawa ng pananaliksik ng iba’t ibang wika sa Pilipinas upang magpaunlad at magpatibay ng isang Wikang Pambansa ng Pilipinas, na humahango rin sa isa sa mga umiiral na katutubong wika.

Sa pahayag ni Quezon na kinakailangang magkaroon ang Pilipinas ng sarili nitong pambansang wika, inangkla rin umano niya ang kaniyang sinabi sa pahayag ng dakilang bayaning si Jose Rizal sa pamamagitan ng nobela niyang El Filibusterismo.

Base sa Kabanata 7 ng El Filibusterismo, sinabi ni Simon kay Basilio:

“Bawa’t bayan ay may sariling wika gaya ng pagkakaroon niya ng sariling pag-iisip. Pinagpipilitan ninyong mabuti na hubdan ang sarili ng angking katauhan bilang isang bayan; nalilimutan ninyo na habang pinangangalagaan ng isang bayan ang kaniyang wika ay taglay niya ang isang tanda ng kaniyang kalayaan, gaya rin ng pagtataglay ng kalayaan ng isang tao habang pinangangalagaan niya ang kanyang sariling laya ng pag-iisip. Ang wika ay siyang nagpapahayag ng mga kaisipan at mithiin ng isang bayan.”

Hanggang sa kasalukuyan, ipinagdiriwang sa buong Pilipinas ang Buwan ng Wikang Pambansa tuwing buwan ng Agosto upang patuloy na mapahalagahan ang wikang Filipino na daan sa pagkakabuklod-buklod umano ng bawat Pilipino bilang isang bansa.

Ang tema ng pagdiriwang ngayong taon ay “Filipino at mga Katutubong Wika: Wika ng Kapayapaan, Seguridad, at Ingklusibong Pagpapatupad ng Katarungang Panlipunan.” 

Maligayang Buwan ng Wikang Pambansa!