Tumaas ang bilang ng mga pamilyang Pinoy na nakaranas ng gutom sa bansa sa ikalawang quarter ng taon, ayon sa Social Weather Stations Report (SWS) nitong Miyerkules, Agosto 2.

Sa ulat ng SWS, nasa 10.4% na ang mga pamilyang Pilipino na nakaranas ng “involuntary hunger” o hindi nakakakain ng kahit isang beses sa nakalipas na tatlong buwan.

Mas mataas umano ito kung ikukumpara sa 9.8% na datos noong Marso 2023.

MAKI-BALITA: 2.7M pamilyang Pinoy, nakaranas ng gutom sa 1st quarter ng taon – SWS

National

Ogie Diaz, pinalagan sinabi ni Greco Belgica na hayaan mga 'tunay na lalaki' sa gobyerno

Nasa 8.3% naman sa kasalukuyang datos ang nakaranas ng "moderate hunger" habang 2.1% ang "severe hunger," ayok sa SWS.

Samantala, sa Metro Manila umano naging pinakamataas ang datos pagdating sa pagkaranas ng gutom sa 15.7% nitong Hunyo 2023.

Sinundan umano ito ng Balance Luzon (o Luzon sa labas ng Metro Manila) sa 11.3%, Visayas sa 9.3%, at Mindanao sa 6.3% ng mga pamilya.

“The 0.6-point rise in Overall Hunger between March 2023 and June 2023 was due to increases in Metro Manila and Balance Luzon, combined with a steady percentage in the Visayas and a sharp decline in Mindanao,” anang SWS.

Kumpara noong Marso 2023, tumaas ng 5.0 puntos ang insidente ng gutom sa Metro Manila, mula 10.7% hanggang 15.7%.

Tumaas din naman ng 2.6 puntos ang insidente ng gutom sa Balance Luzon, mula 8.7% hanggang 11.3%.

Gayunpaman, halos hindi ito nagbago sa Visayas, mula sa 9.7% at 9.3%.

Bumagsak naman ito ng 5.4 puntos sa Mindanao, mula 11.7% hanggang 6.3%.

Isinagawa umano ang nasabing survey mula Hunyo 28 hanggang Huly 1, 2023, sa pamamagitan ng personal na pakikipanayam sa 1,500 indibidwal na ang edad ay 18 pataas.