Usap-usapan ngayon sa X (dating Twitter) ang isang video clip ng segment na "Sugod Bahay Kapatid" ng noontime show na "E.A.T." dahil sa hirit ng isa sa mga TV host-comedian na si Jose Manalo, sa co-host nila ni Wally Bayola na nasa labas ng studio.
Ibinahagi ito ng X account na si "Anima Cristi Fermin."
https://twitter.com/altcristyfermin/status/1686516008402763781
May caption itong "RACISM LIVE on TV! pag show ng parents walang MTRCB!"
Sa video clip, mapapanood na bumanat kasi ng hirit si Jose tungkol sa co-host nila.
"Kapag napanalunan mo sa Bingo 'to 'yan ang tinatawag na 'Black Out,'" ani Jose.
Biglang segway naman si Vic Sotto, "Kumusta ang barangay?"
Ngunit napansin daw ng mga netizen ang facial expression daw nina Paolo Ballesteros at Miles Ocampo na nasa studio ng TV5 nang mga sandaling iyon, na tila nabagabag sa naging biro ng kasamahang si Jose. Napasuklay pa nga raw ng buhok si Miles.
"Huy!" sambit ni Paolo.
Pati si Allan K ay makikitang napa-"Huy!" batay sa buka ng kaniyang bibig.
Si Joey naman, nahagip din ang facial expression, at tila seryoso lamang ito at hindi na naki-join sa biruan.
Marami sa mga netizen ang nag-tag sa X account ng Movie and Television Review and Classification Board o MTRCB, na pinamamahalaan ni Lala Sotto-Antonio, anak ng E.A.T. host na si dating senate president na si Tito Sotto at batikang aktres na si Helen Gamboa.
"Paolo’s reaction though 🙌🏼 Napapansin ko lately na he reacts like this pag alam niyang makaka-offend yung joke."
"Look at Miles and Paolo's reactions..."
"Tagging MTRCB..."
"Paolo knows."
"Kitang-kita naman sa facial expressions nina Paolo at Miles..."
"Sitahin kaya ng MTRCB chair?"
Matatandaang kamakailan lamang ay sinita ng social media personality na si Rendon Labador ang paghalik ni Titosen kay Helen, na naging dahilan upang kalampagin niya si MTRCB Chair Lala Sotto-Antonio.
Ngunit ayon daw sa tugon nito, batay sa ipinadalang mensahe sa isang pahayagan, 44 years na raw ang show subalit wala namang "ganyang issue" na naipadala sa kanila.