Sinampahan na umano ng kaso ang kontrobersyal na drag queen na si Pura Luka Vega o Amadeus Fernando Pagente matapos ang kaniyang pinag-usapang drag art performance na panggagaya kay Hesukristo, at paggamit umano sa awiting "Ama Namin" sa nabanggit na pagtatanghal.

Ayon umano sa mga opisyal ng "Philippines for Jesus Movement" na sina Bishop Leo Alconga, Pastor Romie Suela, at Pastor Mars Rodriguez, kinakailangang harapin ng drag queen ang kaniyang paglabag sa Article 201 ng Revised Penal Code at Cybercrime Prevention Act of 2012.

Matatandaang noong Hulyo 10, ipinost ni Vega sa kaniyang X account (dating Twitter) ang video ng paggaya niya umano kay Hesukristo at pagsayaw sa saliw ng remix version ng Ama Namin, habang nakikiawit naman sa kaniya ang live audience na nanood sa kaniyang performance.

Matapos umano ng katakot-takot na kritisismo mula sa mga politiko at karaniwang mamamayan, humingi ng tawad si Vega sa mga nasaktan sa kaniyang drag art performance, subalit iginiit niyang walang mali sa kaniyang ginawa, at ipagpapatuloy pa rin daw niya ang nabanggit na drag, ayon sa panayam sa kaniya ni Pinky Webb sa CNN Philippines.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Magkakahiwalay na nagsampa ang lider ng religious group at naisulong ang kaso sa Quezon City Prosecutor's Office.

"The drag performance of Pagente is not only terribly blasphemous, offensive, disrespectful, insulting, unacceptable, and outrageous to the Christian religion and belief, it also causes a devalued and negative image of the Lord Jesus Christ, which Christians hold in the highest veneration,” anang mga complainant.

Bago ang kaso, idineklarang "persona non grata" ang drag queen sa General Santos City.

Wala pang tugon, reaksiyon, o pahayag si Vega tungkol dito.