Nagbigay ng reaksiyon at komento ang showbiz columnist na si Cristy Fermin hinggil sa mga naging pahayag ni Kapuso actor-TV host Paolo Contis, na nasasaktan daw siya kapag tinatawag silang "Fake Bulaga."

Sinimulan niya ito sa pagsasabing si Paolo raw ang paboritong "bembangin" ng bashers kapag ang napag-uusapan ay ang noontime show ng TAPE, Inc. na umeere sa GMA Network.

Napapansin daw kasi ni Cristy at ng kaniyang mga kaibigan, na tila lagi raw may "State of the Nation Address" o SONA ang host.

Paolo nasasaktan kapag tinatawag silang 'Fake Bulaga'

"Ang mga pangulo minsan-minsan lang eh, pero siya, meron siyang SONA araw-araw," banat ni Cristy.

Lagi raw sinasabi ni Paolo na nirerespeto nila ang TVJ subalit napakabilis naman daw mag-react kapag napupulaan na ang kanilang grupo.

Bago raw kasi magtapos ang programa ay nagsasalita si Paolo, bagay na kinaawaan naman ni Cristy dahil parang ito raw ang ibinabala sa kanyon. Ito raw marahil ang paraan ng noontime show upang mapag-usapan at maging "relevant" at maging laman ng mga balita.

Naniniwala sina Cristy na kapag sinabing "Eat Bulaga!", TVJ ang agad-agad na maiisip, kaya kailangan na raw magpalit ng pangalan ng programa.

https://balita.net.ph/2023/07/30/tito-sotto-nag-react-sa-pahayag-ni-paolo-contis-tungkol-sa-fake-bulaga/

"Nagsisintir talaga siya. Bakit daw sila tinatawag na 'Fake Bulaga?' Simple lang, Paolo. anuman na hindi original, ang tinatawag natin, fake. 'Di ba? Paltok. Ginaya. Ikaw mismo sa pagbili mo ng mga kagamitan mo, gusto mo siyempre, original. Branded na original. Hindi ka papayag na 'yong paltok ang bibilhin mo. Ganun lang kasimple 'yon. Kaya kayo tinatawag na Fake Bulaga. Kasi nga, sa isip ng ating mga kababayan, mayroong lehitimo at orihinal na Eat Bulaga."

"Ganun lang. Ganun lang kasimple 'yon. Mahirap bang intindihin 'yon?" hirit pa ni Cristy.

Samantala, wala pang tugon, reaksiyon, o pahayag si Paolo o ang Eat Bulaga hosts tungkol dito.