Binanatan ng showbiz columnist na si Cristy Fermin ang isang "tolongges" na aniya ay "credit grabber," "kuda nang kuda," tila "gutom" sa kasikatan at "mahilig makisawsaw" sa mga isyung may kinalaman sa mga artista at iba pang kilala o sikat na personalidad.
Sa Tuesday episode ng "Cristy Ferminute," Agosto 1, hindi pinangalanan ni Cristy ang nabanggit na personalidad dahil sayang lang daw sa oras kung papangalanan pa ito. Sa halip, tinawag niya itong "tolongges."
"Sayang po ang oras kapag binanggit natin. Pero ito pong taong ito, dispalinghado ang mga opinyon nito," anang Cristy.
Nabanggit ang patungkol sa personalidad matapos talakayin nina Cristy at Romel Chika ang pagkakalagay sa sentro ng kontrobersiya si MTRCB Lala Sotto-Antonio, matapos daw kuwestyunin ng nabanggit na "tolongges" kung ipapatawag din umano ang mga magulang nito na sina dating senate president Tito Sotto III at beteranang aktres na si Helen Gamboa, matapos magpakita ng public display of affection (PDA) sa national television, sa isang episode ng "E.A.T."
Ani Cristy, tila lumakas ang loob ng "tolongges" na ito dahil napatawag ng MTRCB sina Vice Ganda at Ion Perez, na nauna na niyang sinita.
Akala raw nito, siya ang dahilan kung bakit nakalampag ang MTRCB sa isyu. Ngunit sabi ni Cristy, hindi lamang siya ang dahilan kundi marami kasi ang nagpadala ng mensahe sa MTRCB kaugnay ng nabanggit na eksena.
"Ang hindi alam ng tolongges na 'to, napakarami pong nag-report, nag-post, nag-text, nanawagan sa MTRCB na sana ay huwag payagan ang ginawa nina Ion at Vice..." paliwanag pa ng showbiz columnist.
"Siguro, akala nitong si tolongges, nanalo ako, lumakas ang loob ngayon!"
"Credit grabber ba?" sundot ni Romel Chika.
"Super!" sang-ayon naman ni Cristy.
Dagdag pa niya, "Hindi lang siya credit grabber, hunger... hunger for fame! Parang ganun."
Ang hinuhulahol nga raw niya ngayon ay sina Titosen at Helen.
"Ito lang namang tolongges na 'to ang nanawagan, at talaga namang kuda nang kuda grabe... hindi kaya napapagod ito sa kakakuda, aba'y lahat na lang inaaway niya!"
Sey naman ni Romel, ganoon daw talaga kapag "nagpapapansin." Awayin ang mga sikat na personalidad upang mapag-usapan din siya.
"Naku ikaw talaga, mahilig kang makisawsaw, mahilig kang maki-angkas, mahilig kang maggagawa ng mga kuwento kahit wala namang basehan, lahat na lang hindi maganda para sa iyo. Sino ang perpekto? Ikaw na lang? So ikaw lang, ikaw lang? Lahat kami... 'pag bumaba ang Diyos lahat kami nasa kaliwa, ikaw lang ang nasa kanan?"
Banat pa ni Cristy, minsang napansin ay sumigi naman ang nabanggit na personalidad.
Wala mang binanggit, nagkakaisa ang mga netizen na ang tinutukoy raw ng dalawang hosts ay si social media personality Rendon Labador.
Binanggit at binasa rin ni Cristy ang ilang mga reaksiyon, komento, at mensahe ng kaniyang mga tagasubaybay hinggil kay "tolongges."
Samantala, ang salitang "tolongges" ay salitang balbal na may negatibong kahulugan. Ito ay may katumbas na kahulugan bilang "idiot," "tanga," o "loko-loko." Madalas na gumagamit ng salitang ito si dating Manila City Mayor at ngayon ay "Eat Bulaga!" host na si Isko Moreno.
Samantala, wala pang tugon, reaksiyon, o pahayag si Labador hinggil dito.