Idineklara ng Anti-Terrorism Council (ATC) sina suspended Negros Oriental Rep. Arnolfo “Arnie” Teves Jr. at 12 iba pa bilang mga "terorista” dahil sa umano’y mga naitalang pamamaslang at harassment sa lalawigan ng Negros Oriental.
Ayon sa Resolution No. 43 na inilabas nitong Martes, Agosto 1, nakitaan umano ng "probable cause" para ituring si Teves, kasama ang 12 iba pa, bilang terorista matapos umano silang magkaroon ng paglabag sa ilang probisyon ng Anti-Terrorism Act of 2020.
Sinabi ng Konseho na kasama sa mga tinutukoy na paglabag ang “committing terrorism, planning, training, preparing, and facilitating terrorist acts, recruitment and membership in a terrorist organization, as well as providing materials support to terrorists.”
Nilagdaan ni Executive Secretary Lucas Bersamin, pangulo ng konseho, ang kopya ng resolusyon ng ATC na may petsang Hulyo 26.
Kasama naman ng suspendidong kongresista sa mga itinuring ng ATC na terorista ang mga sumusunod indibidwal, na umano’y mga miyembro ng "Teves Terrorist Group":
- Pryde Henry A. Teves
- Winrich B. Isturis
- John Louie Gonyon
- Dahniel Lora
- Eulogio Gonyon, Jr.
- Tomasino Aledro
- Nigel Electona
- Jomarie Catubay
- Hannah Mae Sumero Oray
- Marvin H. Miranda
- Rogelio C. Antipolo
- Rommel Pattaguan
Matatandaang isa si Teves sa mga itinuturong utak sa likod ng pagpaslang kay Negros Oriental Governor Roel Degamo noong Marso 4.
BASAHIN: Teves, isa sa mga tinitingnang mastermind sa pagpaslang kay Degamo – Sec Remulla