Nakansela umano ang ikalawang pagdinig nitong Martes, Hulyo 31 para sa kasong "copyright infringement and unfair competition" na inihain nina dating senate president Tito Sotto III, Vic Sotto, at Joey de Leon (TVJ) at Jeny Ferre laban sa Television and Production Exponents Inc. (TAPE), producer ng “Eat Bulaga!” gayundin sa GMA Network, dahil sa hindi pagkakasumite ng judicial affidavit sa tamang oras, sa panig umano ni Sotto,
Sa ulat ng Manila Bulletin, nakatakda sana ang second hearing sa kaso sa Marikina Regional Trial Court Branch 273 at tetestigo rito si Tito, subalit hindi ito natuloy matapos mag-object ang abogado ng TAPE na si Maggie Abraham-Garduque at abogado ng GMA na si Eric Vincent Estoesta, dahil sa kawalan daw ng isinumiteng judicial affidavit mula sa host.
Binanggit at ginawang batayan ng dalawang abogado ang court order ng Marikina trial court noong Hulyo 14, na nagsasabing lahat ng partido ay kinakailangang magsumite ng judicial affidavits ng mga saksi kaugnay ng injunction case, tatlong araw bago ang Hulyo 27, 2023. Tanging judicial affidavits nina Joey De Leon at Jeny Ferrer ang naisumite sa korte.
Dahil dito, "waived" umano ang pag-upo ni Tito bilang testigo sa araw na iyon, subalit binibigyan pa siya ng korte ng tatlong araw na palugit upang mag-file ng judicial affidavit, subalit may kaukulang multang ₱5,000 dahil sa hindi pagpapasa sa tamang oras at petsa. Kung hindi pa rin makapagpapasa matapos ang tatlong araw, hindi pahihintulutan ang host na tumestigo sa korte.