Magandang balita dahil may handog na anim na araw na libreng sakay ang Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) para sa mga visually impaired passengers nila.
Ito’y bilang pakikiisa ng MRT-3 sa pagdiriwang ng White Cane Safety Day.
Sa abiso ng MRT-3, nabatid na sinimulan ang libreng sakay ngayong Agosto 1 at magtatagal hanggang sa Agosto 6.
“MAGANDANG BALITA! Maghahandog ng LIBRENG SAKAY ang MRT-3 para sa visually impaired passengers mula August 1 hanggang 6 bilang pagdiriwang ng White Cane Safety Day,” anunsiyo pa ng MRT-3 nitong Martes.
Upang maka-avail ng libreng sakay, kinakailangan lamang magpakita ng valid PWD (person with disability) identification card sa security personnel sa mga istasyon.
Pahihintulutan din naman ang isang companion o kasama ng pasahero na makasakay nang libre sa mga tren.
Maaaring makakuha ng libreng sakay sa buong operasyon ng MRT-3 sa nasabing mga petsa.
“Nakikiisa po ang MRT-3 sa pagdiriwang ng buong bansa ng World Cane Safety Day. Patuloy nating bibigyang prayoridad ang kapakanan at mga karapatan ng ating visually impaired passengers lalo na sa sapat, mabilis, komportable, at maaasahang transportasyon," ayon naman kay Department of Transportation (DOTr) Assistant Secretary for Railways at MRT-3 Officer-in-Charge Jorjette B. Aquino.
Ang MRT-3 na bumabagtas sa kahabaan ng EDSA, ang siyang nagdudugtong sa North Avenue, Quezon City at Taft Avenue, Pasay City.