Matapos sitahin ang kontrobersyal na pagkain ng icing ng cake sa kani-kanilang daliri nina Vice Ganda at Ion Perez sa isang episode ng "Isip Bata" segment sa noontime show na "It's Showtime," ang "E.A.T." host naman na si dating senate president Tito Sotto III ang binanatan ng social media personality na si Rendon Labador.
Sa isang episode ng noontime show ay hinalikan nang matagal ni Tito sa bandang pisngi ang kaniyang misis na beteranang aktres-TV host na si Helen Gamboa.
"Eto na ba ang bagong noontime shows natin? Puro kabastusan na lang? Hindi pa nga ako tapos kay Vice meron na naman!" ani Labador.
"Paki-ayos nga 'yan MTRCB!!! Paano natin maaayos ang Pilipinas kung pati NATIONAL TV ay wala nading moralidad?"
"HINDI MASAMA MAGPAKITA NG PAGMAMAHAL SA KAPWA gusto ko lang isiksik sa mga kokote natin na MAY TAMANG LUGAR TAYO PARA DIYAN. Sumasakit ang ulo ko sa inyong lahat."
"MTRCB galaw galaw tayo ha? Hindi ko pwede itolerate ang mga yan. Maraming salamat!"
Nagkataong ang MTRCB chair ngayon ay si Lala Sotto na anak nina Tito at Helen.
"TATAY MO O KAPAKANAN NG PILIPINAS??? MTRCB Chair Lala Sotto!!! Kaya mo din bang ipatawag ang tatay mo para i-tama ang mali? TVJ akala ko ba wholesome kayo? Ano ba nangyayari sa mga noontime shows natin ngayon at puro na kabastusan??? Noong 2016 pinatawag ka ng MTRCB, Hindi ka pa rin natuto."
Inungkat ni Rendon ang isang episode ng "Eat Bulaga" noong nasa GMA Network pa ang TVJ kung saan nagbiro si Joey De Leon sa isang contestant ng segment na "Bawal Judgemental."
"Lantarang pambabastos ito sa mga kababaihan! Akala ko mga wholesome kayo? Dapat hindi “BAWAL JUDGEMENTAL” ang title ng show ninyo! Dapat 'BAWAL ANG MANYAK.'"
"MTRCB Chair! kaya mo bang panindigan ang responsibilidad mo? Paki aksyunan maam Lala Sotto! i-tama natin ang mga mali at linisin ang mga gurang na manyakis! #stayMotivated."
Samantala, wala pang tugon, reaksiyon, o pahayag ang kampo ni Tito o ang MTRCB tungkol dito.
Sa kaso naman ng It's Showtime, naglabas ng advisory ang MTRCB nitong Lunes, Hulyo 31, na inimbitahan nila ang producers ng noontime show para sa paglilitis kaugnay ng mga reklamo sa kanila.
Ayon kasi sa MTRCB, dumagsa sa kanilang page ang iba't ibang reklamo ng mga manonood patungkol sa nabanggit na eksena nina Vice Ganda at Ion Perez.