Nakatakda nang magpatupad ng taas-pasahe ang Light Rail Transit (LRT) Line 1 (LRT-1) at Line 2 (LRT-2) simula sa Agosto 2, Miyerkules.

Ayon sa Department of Transportation (DOTr), batay sa taas-pasahe na inaprubahan ng Rail Regulatory Unit (RRU), ang minimum boarding fee para sa mga naturang rail lines ay nasa P13.29 mula sa kasalukuyang P11.

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez

Ang inaprubahan namang per kilometer rate ay nasa P1.21 mula sa kasalukuyang P1.00.

Sa customer advisory ng Light Rail Manila Corporation (LRMC), simula sa Agosto 2, ang bagong minimum na pasahe sa LRT-1 ay P14 na at ang maximum naman ay P35 para sa Store Value Cards (SVCs).

Para naman sa Single Journey Tickets (SJTs), ito ay nagkakahalaga ng P15 hanggang P35.

Samantala, sinabi naman ng DOTr na mula sa kasalukuyang P12 minimum na pamasahe sa stored value o beep card ng LRT-2, ay magiging P14 na ito.

Magiging P33 naman ang maximum fare mula Recto Station hanggang Antipolo Station, mula sa dating P28.

Anang DOTr, kung gagamit ng SJT ang pasahero, mananatili sa P15 ang mimimum fare habang P35 ang maximum fare mula sa kasalukuyang P30.

Ipinaliwanag ng DOTr na ang karagdagang pamasahe ay gagamitin para sa pagsasaayos at pagpapabuti ng mga pasilidad at serbisyo ng LRT-2.

Tiniyak naman ng Light Rail Transit Authority (LRTA) na patuloy silang magbibigay ng 20% discount sa mga pasaherong senior citizen, person with disability (PWD) at mga estudyante.

Pinapayuhan din ng LRTA ang mga pasahero na gumamit ng stored value card o beep card para makatipid at makaiwas sa abala.

Nabatid na taong 2015 pa ng huling inaprubahan ang fare adjustment para sa naturang rail lines.

Ang LRMC ang nangangasiwa sa operasyon ng LRT- 1 habang ang LRTA ang siyang nangangasiwa sa operasyon ng LRT-2.