“Iba ba talaga ang standard kung ano ang disente at katanggap-tanggap para sa madlang LGBTQIA+?”
Ito ang naging tanong ni Human rights lawyer Chel Diokno matapos ipatawag ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) ang mga producer ng “It’s Showtime” dahil sa ilan umanong eksena nina Vice Ganda at Ion Perez sa “Isip Bata” segment.
MAKI-BALITA: MTRCB, ipinatawag ang It’s Showtime producers hinggil sa umano’y ilang eksena nina Vice, Ion
Sa isang post sa X (Twitter) nitong Martes, Agosto 1, binanggit ni Diokno ang kapangyarihan ng MTRCB sa ilalim ng Presidential Decree 1986.
“Sa PD 1986, may malawak itong (MTRCB) authority na i-review, i-classify, at i-regulate ang pagpapalabas ng sine at TV programs,” pagpapaliwanag ni Diokno.
“It can approve or disapprove programs it finds objectionable for being immoral, indecent, or contrary to law and/or good customs, among others. May administrative sanctions rin tulad ng fines, suspension, o cancellation ng permits at licenses,” dagdag niya.
Gayunpaman, aniya, dapat umanong nakabase sa “contemporary Filipino cultural values” ang desisyon ng MTRCB sa naturang isyu.
“Hindi personal judgment ng nasa MTRCB ang measure. Sa batas, ang standard na dapat i-apply ay base sa ‘contemporary Filipino cultural values’,” ani Diokno.
“We see many forms of affection between heterosexual couples on TV, and never blink an eye. Iba ba talaga ang standard kung ano ang disente at katanggap-tanggap para sa madlang LGBTQIA+?” saad pa niya.