Hinimok ni Cubao Bishop Honesto Ongtioco nitong Martes ang mga parokya at religious communities na sakop ng diyosesis na magsagawa ng Holy Hour sa Agosto 4, na unang Biyernes ng Agosto, bilang reparation o pagbabayad-puri sa kalapastanganan sa panalanging ‘Ama Namin.’
Ayon kay Bp. Ongtioco, ang pag-awit sa panalanging itinuro ni Hesus sa hindi angkop na lugar at pagdiriwang ay patunay ng kawalang pagpahalaga sa kabanalan at kawalang paggalang sa panalangin.
“I ask all the parishes and religious communities to offer the Holy Hour for First Friday of August in reparation for the sacrileges against our Lord,” bahagi ng pahayag ni Bishop Ongtioco, sa church-run Radio Veritas.
Paliwanag ng obispo, nakapaloob sa Ama Namin ang paghahayag ng dakilang pagliligtas ng Diyos sa tao mula sa kasalanan gayundin ang pagturing sa sangkatauhan bilang mga anak kaya’t nararapat lamang itong bigyan ng ibayong paggalang.
Paalala naman ni Bp. Ongtioco, sa tuwing dinadasal ang Ama Namin ang bawat isa ay inaanyayahan ng Panginoon na maging bahagi sa Kristiyanong pamayanang nakaugat sa habag, awa at pag-ibig.
Kasabay nito, hinikayat din niya ang mamamayan lalo na ang mga magulang na turuan ang mga kabataan sa kahalagahan at paggalang sa mga panalangin at sakramento ng simbahan.
“I would also like to urge our dear parishioners to take this opportunity to teach your children the importance of showing respect to everything that is sacred, whether it be the Eucharistic or the Lord’s Prayer and to avoid any act of desecration,” aniya.
Nitong Hulyo 31 ay nagsampa ng kaso ang Philippines for Jesus Movement laban kay Pura Luka Vega dahil sa paglapastangan sa panalangin habang idineklara rin itong persona non grata sa General Santos City.
Maki-Balita: Pura Luka Vega persona non grata sa GenSan