Umabot na sa 151 mga lungsod at bayan sa bansa ang isinailalim sa state of calamity dahil sa pinsalang idinulot ng bagyong Egay at ng pinalakas na southwest monsoon o habagat, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) nitong Martes, Agosto 1.
Ayon sa tala ng NDRRMC kaninang 5:00 ng hapon, sa 151 mga lungsod at bayan sa bansa na isinailalim sa state of calamity, 25 umano ang mula sa Ilocos Region (Rehiyon 1); 29 ang mula sa Cagayan Valley (Rehiyon 2); 36 ang mula sa Central Luzon (Rehiyon 3); 23 ang mula sa Calabarzon (Region 4A); isa ang mula sa Mimaropa (Rehiyon 4B), at 37 ang mula sa Cordillera Administrative Region (CAR).
Samantala, tumaas na rin umano sa 26 ang nasawi, kung saan dalawa rito ang kumpirmado na.
Tinatayang 2,476,907 indibidwal o 675,357 pamilya na umano ang naapektuhan ng bagyong Egay na lumabas ng PAR noong Hulyo 27 at ng habagat na patuloy na pinalalakas ng bagyong Falcon na kalalabas lamang naman ng PAR nitong Martes.
MAKI-BALITA: Bagyong Falcon, nakalabas na ng PAR – PAGASA
Nasa 317,975 indibidwal naman umano ang kasalukuyan pa ring nasa evacuation centers.