Dalawa o tatlong bagyo ang maaaring mabuo o pumasok sa Philippine area of responsibility (PAR) sa buwan ng Agosto, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Ayon sa PAGASA, Goring, Hanna, at Ineng ang magiging lokal na pangalan ng mga susunod na bagyo sa bansa.
Maaari umanong mag-landfall at tumawid sa Pilipinas, o kaya naman ay mag-recurve at hindi mag-landfall ang nasabing mga bagyo sa Agosto.
Inihayag din ng PAGASA na inaasahan ang "near-normal" rainfall sa malaking bahagi ng bansa pagdating ng Agosto at Setyembre, na may mas mataas na posibilidad ng malapit sa “above-normal” na pag-ulan sa buong bansa.
Sa ngayon, anim na bagyo na ang dumaan sa PAR ngayong taon. Tinawag ang mga itong Amang, Betty, Chedeng, Dodong, Egay, at ang Falcon na lalabas na umano ng PAR sa Martes, Agosto 1.
Samantala, ayon pa sa PAGASA, maaaring magpatuloy ang kondisyon ng El Niño hanggang sa unang quarter ng 2024, na may potensyal na lumakas pa sa mga susunod na buwan.
Matatandaang inanunsyo ng PAGASA noong Hulyo 4 na dumating na ang El Niño sa Tropical Pacific.
MAKI-BALITA: El Niño, dumating na sa Tropical Pacific – PAGASA