Patuloy na pinalalakas ng bagyong Falcon ang southwest monsoon o habagat na siyang magpapaulan naman sa kanlurang bahagi ng Luzon at Visayas, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Lunes, Hulyo 31.
Sa tala ng PAGASA kaninang 11:00 ng umaga, huling namataan ang Typhoon Falcon 1,070 kilometro ang layo sa silangan ng Extreme Northern Luzon, na may taglay na lakas ng hanging aabot sa 150 kilometers per hour at pagbugsong aabot sa 185 kilometers per hour.
Kumikilos ito pahilaga hilagang-kanluran sa bilis na 15 kilometers per hour.
Inaasahan umanong lalabas na ng PAR ang bagyo sa Martes ng tanghali o gabi, Agosto 1.
Ayon sa PAGASA, malayo sa kalupaan ang bagyong Falcon, kaya’t wala umano itong direktang epekto sa alinmang bahagi ng bansa.
Gayunpaman, patuloy umanong pinalalakas ng bagyo ang habagat, na siyang magdudulot ng occasional hanggang monsoon rains sa kanlurang bahagi ng Luzon at Visayas sa susunod na tatlong araw.
Maaari rin umanong makaranas ng pabugso-bugsong malalakas na hangin ngayong araw sa Zambales, Bataan, central at southern portions ng Aurora, Pampanga, Bulacan, Metro Manila, malaking bahagi ng Ilocos Region, CALABARZON, MIMAROPA, Bicol Region, at Western Visayas dahil sa habagat.