Iniulat ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Lunes ng gabi, Hulyo 31, na mas lumakas pa ang bagyong Falcon habang kumikilos na ito pahilagang-kanluran sa bilis na 15 kilometers per hour.

Sa tala ng PAGASA kaninang 11:00 ng gabi, huling namataan ang Typhoon Falcon 975 kilometro ang layo sa silangan hilagang-silangan ng Extreme Northern Luzon, na may taglay na lakas ng hanging aabot sa 175 kilometers per hour at pagbugsong aabot sa 215 kilometers per hour.

Inaasahan umano itong lalabas na ng PAR sa Martes ng tanghali o gabi, Agosto 1.

Ayon sa PAGASA, malayo sa kalupaan ang bagyong Falcon, kaya’t wala umano itong direktang epekto sa alinmang bahagi ng bansa.

National

Ilocos Norte, niyanig ng magnitude 4.0 na lindol

Gayunpaman, patuloy umanong pinalalakas ng bagyo ang southwest monsoon o habagat, na siyang magdudulot ng occasional hanggang monsoon rains sa kanlurang bahagi ng Luzon sa susunod na tatlong araw.

Makararanas naman umano ng pabugso-bugsong malalakas na hangin ngayong araw hanggang bukas sa Batanes, Babuyan Islands, Abra, Benguet, Zambales, Bataan, central at southern portions ng Aurora, Pampanga, Bulacan, Metro Manila, at malaking bahagi ng Ilocos Region, CALABARZON, MIMAROPA, Bicol Region, at Western Visayas.