Inihayag ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Lunes ng umaga, Hulyo 31, na lumakas pa ang bagyong Falcon na inaasahang lalabas ng Philippine area of responsibility (PAR) sa Martes, Agosto 1.

Sa tala ng PAGASA kaninang 5:00 ng umaga, huling namataan ang Typhoon Falcon 1,070 kilometro ang layo sa silangan ng Extreme Northern Luzon, na may taglay na lakas ng hanging aabot sa 150 kilometers per hour at pagbugsong aabot sa 185 kilometers per hour.

Kumikilos ito pahilaga hilagang-kanluran sa bilis na 15 kilometers per hour.

Inaasahan umano itong lumabas ng PAR sa Martes ng umaga o tanghali.

Bulkang Mayon, 18 araw nang aktibo sa pag-aalboroto; lava flow, umabot na ng hanggang 3km

Ayon sa PAGASA, malayo sa kalupaan ng ang bagyong Falcon, kaya’t wala umano itong direktang epekto sa alinmang bahagi ng bansa.

Gayunpaman, patuloy umanong pinalalakas ng bagyo ang southwest monsoon o habagat, na siyang magdudulot ng pabugso-bugsong malalakas na hangin ngayong araw sa Zambales, Bataan, Cavite, Lubang Island, Kalayaan Islands, Cuyo Islands, Romblon, hilagang-kanluran ng Antique, Camarines Sur, at Albay.

Patuloy rin umanong makararanas ng occasional hanggang monsoon rains sa kanlurang bahagi ng Luzon sa susunod na tatlong araw dahil sa habagat.