Kinumpirma ng Department of Health (DOH) nitong Lunes na nagkakaroon ng pagtaas ang mga kaso ng leptospirosis sa bansa dahil sa mga nararanasang pag-ulan.
Batay sa datos na ibinahagi ng DOH, nabatid na mula Hulyo 18 hanggang Hulyo 1, 2023 lamang ay nakapagtala ang bansa ng 182 bagong kaso ng leptospirosis.
Ito anila ay 42% na pagtaas mula sa 128 kaso lamang, kumpara sa naunang dalawang linggo.
Posible pa umanong tumaas pa ang naturang bilang dahil na rin sa mga naantalang ulat.
Ayon sa DOH, simula noong Enero 1 hanggang Hulyo 15, 2023, umaabot na sa 2,079 ang kabuuang kaso ng leptospirosis sa bansa.
Sa naturang bilang 225 ang hindi naagapan at sinawimpalad na bawian ng buhay.
“As of Morbidity Week 28 (January 1 - July 15, 2023), reported cases are at 2,079. There were 182 new cases reported in the recent 3-4 weeks (June 18 to July 1), a 42% increase from 128 cases reported two weeks prior. Cases may still increase with late reports,” anang DOH.
“225 died among cases reported from MW 1-28, 2023 (CFR: 10.8%),” anito pa.
Samantala, ang Region III naman ay nakikitaan rin nang patuloy na pagtaas ng mga kaso ng sakit sa nakalipas na anim na linggo, at nakapagtala ng siyam na kaso sa nakalipas lamang na dalawang linggo o mula Hulyo 2 hanggang 15.
Nakikitaan rin naman nang pagtaas ng leptospirosis cases ang siyam pang rehiyon sa bansa, kabilang ang National Capital Region (NCR), Cordillera Administrative Region (CAR), Regions II, IV-A, IV-B, IX, X, XI, at Caraga, sa nakalipas na tatlo hanggang apat na linggo.
Nasa pito hanggang 53 ang naitalang mga bagong kaso sa mga naturang rehiyon.
Ang Regions I, na may siyam na kaso, at V na may tatlong kaso, naman ay nagkaroon rin nang pagtaas ng mga kaso ng sakit sa nakalipas na dalawang linggo.
Samantala, iniulat din ng DOH na maging ang kaso ng dengue ay nagkakaroon na rin nang pagtaas nitong mga nakalipas na araw.
Ang leptospirosis cases ay karaniwan nang tumataas sa panahon ng tag-ulan dahil maraming tao ang napipilitang lumusong sa mga tubig-baha na nahaluan ng ihi ng daga at iba pang hayop, na infected ng bacteria na leptospira.
Kabilang sa mga sintomas ng naturang sakit ay lagnat, pangingiki, pananakit ng ulo at kalamnan, pamumula ng mata, pagsusuka, at paninilaw ng balat.
Payo naman ng DOH, sakaling makaramdam ng mga naturang sintomas ay kaagad nang kumonsulta sa doktor.