Magbubukas na umano sa darating na Martes, Agosto 1, ang kauna-unahang National Museum sa probinsya ng Cebu.
Sa ulat ng Presidential Communications Office (PCO), simula sa Agosto 1 ay magiging bukas umano ang National Museum of the Philippines (NMP) sa Cebu City mula Martes hanggang Sabado dakong 9:00 ng umaga hanggang 5:00 ng hapon.
Pinasinayaan naman umano ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. noong Biyernes, Hulyo 28, ang pagbubukas ng nasabing National Museum.
“I encourage my fellow servants in government to support the initiatives of the NMP,” ani Marcos sa gitna ng inauguration ng museo.
“Let us persuade local and foreign visitors alike to include the NMP Cebu in their itinerary whenever they visit our beautiful country and this vibrant, ancient province. Let us also ensure that our cultural institutions and establishments are accessible to Filipinos from all walks of life,” dagdag niya.
Ayon sa Pangulo, ang bagong pasinayang museo ay maipagmamalaki hindi lamang ng mga Cebuano kundi ng lahat ng mga Pilipino.
Noong 1910, dinesenyuhan at itinayo umano ni Architect Willian Parsons ang Customs (Aduana) Building sa Plaza Independencia ng Cebu City.
Ginawa namang Malacañang sa Sugbo ang gusali noong 2004, sa paglalayong ilapit ang national government sa Visayas. Samantala, nasira ito ng magnitude 7.1 na lindol noong 2013, na nagresulta sa pansamantalang pagsasara nito.
Samantala, taong 2019 nang inaprubahan na ang pag-convert ng Aduana sa National Museum-Central Visayas Regional Museum.