Isang Grade 10 completer na may "phocomelia syndrome" ang inalayan nang masigabong palakpakan sa naganap na moving-up ceremony, sa Dr. Ramon de Santos National High School na matatagpuan sa Cuyapo, Nueva Ecija.

Sa viral Facebook post ng Senior High School teacher ng paaralan na si "Mark Jason Estillore Neverio," maging siya ay nabagbag ang damdamin sa Grade 10 completer na si "Jof Remoroza," 15-anyos, na karga ng kaniyang kuyang "Jozfer" nang pumanhik ito sa entablado upang tanggapin ang nakabilot na papel na simbolo ng pagtatapos sa Junior High School.

Dumagundong ang masigabong palakpakan mula sa mga guro, mag-aaral, at mga panauhin para kay Jof, na pinatunayang hindi hadlang ang kakulangan upang makatapos ng pag-aaral at matamo ang pangarap sa buhay.

"HINDI HADLANG ANG KAKULANGAN," panimula ni Neverio sa kaniyang Facebook post.

National

Ilocos Norte, niyanig ng magnitude 4.0 na lindol

"Dito ko masasabi na hindi hadlang ang kakulangan upang maabot ang edukasyon na inaasam-asam. Saludo ako kay Jof dahil hindi naging balakid ang lahat bagkus siya ay patuloy na nagsumikap upang makapagtapos ng pag-aaral."

"Kahanga-hanga rin ang kanyang kuya dahil [nagsilbi] siyang mga paa ng kaniyang kapatid sa pag-abot ng ng kaniyang diploma. Tunay na makikita ang pagmamahal at suporta ng kaniyang Kuya Jozfer sa kaniyang kapatid."

[Si] Jof ay nagpapasalamat sa kaniyang mga guro, kamag-aral at magulang na tumulong, sumuporta at gumabay upang makapagtapos ng Grade 10."

"Naniniwala ako na matutupad ang pangarap mong kursong I.T. dahil taglay mo ang pagsusumikap upang maabot ang iyong mga pangarap."

"Congratulations Jof! Patuloy kang maging masigasig!," anang guro.

Sa eksklusibong panayam ng Balita sa guro, itutuloy umano ni Jof ang pag-aaral sa Senior High School sa nabanggit na paaralan.

"Senior High school teacher po ako. Ginawan po kasi namin ng balita ang moving up ceremony. Nakita ko po si Jof."

"Isang karangalan po na makapagbigay ng inspirasyon ang kuwento po ni Jof," giit pa ng guro.

Ang phocomelia syndrome ay "rare birth defect characterized, in most instances, by severe malformation of the extremities." Kadalasang ang mga taong may ganitong kondisyon ay may maiksi, o kaya naman, walang mga kamay, paa, o pareho.

Habang isinusulat ang balitang ito, umabot na sa 536 reactions at 35 shares ang nabanggit na post.

Pagbati sa iyo, Jof!

---

Nais mo bang mai-feature ang iyong storya o ‘di kaya mayroon kang larawan at video na gusto mong i-share? I-message mo lang kami sa aming Facebook at Twitter!