Inihayag ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Linggo, Hulyo 30, na napanatili ng Severe Tropical Storm Falcon ang lakas nito habang kumikilos pahilaga hilagang-kanluran sa Philippine Sea.
Sa tala ng PAGASA kaninang 11:00 ng umaga, huling namataan ang Severe Tropical Storm Falcon 1,180 kilometro ang layo sa silangan ng Northern Luzon, na may taglay na lakas ng hanging aabot sa 95 kilometers per hour at pagbugsong aabot sa 115 kilometers per hour.
Kumikilos ito pa-north northwestward sa bilis na 15 kilometers per hour.
"The hoisting of Wind Signal due to FALCON over any locality in the country remains unlikely based on the current forecast scenario,” anang PAGASA.
Dagdag nito, kasalukuyan pa ring malayo sa kalupaan ng bansa ang bagyo, ngunit pinalalakas nito ang southwest monsoon o habagat na maaari namang magdulot ng ilang pag-ulan sa kanlurang bahagi ng Luzon at Visayas sa susunod na tatlong araw.
Inaasahan din umano ang pabugso-bugsong malalakas na hangin ngayong araw sa Zambales, Bataan, Pampanga, Bulacan, Metro Manila, Occidental Mindoro, Palawan, Romblon, Northern Samar, malaking bahagi ng CALABARZON, Bicol Region at Western Visayas.
Samantala, ayon sa PAGASA, inaasahang lalakas pa ang bagyo sa susunod na tatlong araw at aabot sa “typhoon” category ngayong Linggo ng gabi o bukas ng madaling araw, Lunes, Hulyo 31.
Maaari naman umanong lumabas ng PAR ang nasabing bagyo pagsapit ng Lunes ng gabi o Martes ng madaling araw, Agosto 1.