Idineklara ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang Agosto 8 hanggang 14 kada taon bilang “Philippine Space Week” upang itaguyod ang space awareness sa mga Pilipino, ayon sa Presidential Communications Office (PCO) nitong Sabado, Hulyo 29.

Sa ulat ng PCO, nilagdaan ni Executive Secretary Lucas Bersamin ang Proclamation No. 302 sa ngalan ni Marcos noong Hulyo 25, 2023.

Inaprubahan umano ito sa rekomendasyon ng Philippine Space Council.

Kasabay ng Philippine Space Week ang pagsasabatas ng Philippine Space Act, na nilagdaan noong Agosto 8, 2019.

Eleksyon

Pasig Bet Atty. Christian Sia, dinisqualify ng Comelec

Binigyang-diin din naman ng proklamasyon ang kahalagahan ng deklarasyon upang i-highlight ang malaking impluwensya ng technology applications sa socio-economic development ng bansa.

“There is a need to promote space awareness, celebrate the significant contributions of Filipinos worldwide in the field of space science, and espouse the value, benefits and impacts of space science and technology applications on the lives of Filipinos,” saad ng proklamasyon.

Sa pamamagitan ng proklamasyon, inatasan ng Pangulo ang Philippine Space Agency (PhilSA) na isulong ang pagdiriwang ng Philippine Space Week sa pamamagitan ng pagsasagawa ng mga programa, proyekto, at aktibidad para sa taunang pagdiriwang.

Inatasan din ni Marcos ang lahat ng ahensya ng gobyerno, kabilang na ang mga korporasyong pag-aari o kontrolado ng gobyerno, state universities and colleges, local government units (LGUs), non-government organizations at pribadong sektor, na lumahok sa “Philippine Space Week.”