Posibleng pumasok sa Philippine area of responsibility (PAR) ang tropical storm na may international name na "Khanun" sa susunod na 12 oras, at tatawagin itong “Falcon” sa bansa, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Biyernes ng gabi, Hulyo 28.
Sa tala ng PAGASA kaninang 11:00 ng gabi, huling namataan ang sentro ng bagyo 1,245 kilometro ang layo sa silangan hilagang-silangan ng Southeastern Luzon o 1,445 kilometro sa silangan ng Central Luzon sa labas ng PAR.
Taglay ng bagyo ang lakas ng hanging aabot sa 65 kilometers per hour at pagbugsong aabot sa 80 kilometers per hour.
Kimikilos ito pa-north northwestward sa bilis na 20 kilometers per hour.
Inaasahan umanong lalakas pa ang bagyo sa susunod na limang araw at aabot sa “typhoon” category sa darating na Linggo, Hulyo 30, habang nasa loob ng PAR.
Samantala, ayon sa PAGASA, mananatiling malayo sa landmass ng bansa ang bagyo.
“The hoisting of wind signal over any portion of the country due to this tropical cyclone is unlikely,” saad pa ng PAGASA.
Inaasahang lalabas ng PAR ang nasabing bagyo pagsapit ng Lunes, Hulyo 31.
Palalakasin naman umano nito ang southwest monsoon o habagat na posibleng magpaulan sa kanlurang bahagi ng Luzon at Visayas hanggang sa susunod na linggo.