Nakapasok na ng Philippine area of responsibility (PAR) ang binabantayang Tropical Storm at pinangalanan itong “Falcon,” ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Sabado ng umaga, Hulyo 29.
Ang bagyong Falcon ang pang-anim na bagyo sa bansa ngayong taon, at pangatlo nitong buwan ng Hulyo.
Sa tala ng PAGASA kaninang 5:00 ng umaga, huling namataan ang Tropical Storm Falcon 1,360 kilometro ang layo sa silangan ng Central Luzon, na may taglay na lakas ng hanging aabot sa 65 kilometers per hour at pagbugsong aabot sa 80 kilometers per hour.
Kumikilos ito pa-north northwest sa bilis na 15 kilometers per hour.
Ayon sa PAGASA, kasalukuyan nang nagpapaulan ang trough ng bagyong Falcon sa Eastern Visayas at CARAGA Region.
Inaasahan umanong lalakas pa ang bagyo sa susunod na limang araw at aabot sa “typhoon” category bukas ng tanghali o gabi, Hulyo 30.
Samantala, ayon sa PAGASA, mananatiling malayo sa landmass ng bansa ang bagyo.
“The hoisting of Wind Signal due to FALCON over any locality in the country remains unlikely based on the current forecast scenario,” saad pa ng PAGASA.
Inaasahan naman umanong lalabas ng PAR ang nasabing bagyo pagsapit ng Lunes ng tanghali o gabi, Hulyo 31.