Lumakas pa ang bagyong Falcon habang kumikilos ito pahilaga sa Philippine Sea, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Sabado ng hapon, Hulyo 29.

Sa tala ng PAGASA kaninang 5:00 ng hapon, huling namataan ang Tropical Storm Falcon 1,205 kilometro ang layo sa silangan ng Central Luzon, na may taglay ng lakas ng hanging aabot sa 75 kilometers per hour at pagbugsong aabot sa 90 kilometers per hour.

Kumikilos ito pahilaga sa bilis na 20 kilometers per hour.

Mababa umano ang tiyansang magla-landfall ang bagyo sa kalupaan ng bansa.

National

Harry Roque, ibinahagi mga posibleng senador na ‘kokontra sa impeachment’ ni VP Sara

Samantala, ayon sa PAGASA, palalakasin ng bagyo ang southwest monsoon o habagat na magbibigay ng pag-ulan sa kanlurang bahagi ng Luzon at Visayas hanggang sa mga susunod na tatlong araw.

Inaasahan umanong lalakas pa ang bagyo sa susunod na tatlong araw at aabot sa “typhoon” category bukas ng tanghali o gabi, Hulyo 30.

Maaari umanong lumabas ng PAR ang nasabing bagyo pagsapit ng Lunes ng gabi, Hulyo 31, o Martes ng umaga, Agosto 1.