Inihayag ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Sabado, Hulyo 29, na bumagal ang bagyong Falcon habang kumikilos pakanluran sa Philippine Sea.
Sa tala ng PAGASA kaninang 11:00 ng umaga, huling namataan ang Tropical Storm Falcon 1,315 kilometro ang layo sa silangan ng Central Luzon, na may taglay ng lakas ng hanging aabot sa 65 kilometers per hour at pagbugsong aabot sa 80 kilometers per hour.
Kumikilos ito pakanluran sa bilis na 10 kilometers per hour.
“This tropical cyclone will remain over the Philippine Sea and far from the Philippine landmass throughout the forecast period,” anang PAGASA.
Samantala, palalakasin umano ng bagyo ang southwest monsoon o habagat na magbibigay ng pag-ulan sa kanlurang bahagi ng Luzon at Visayas hanggang sa mga susunod na tatlong araw.
Inaasahan umanong lalakas pa ang bagyo sa susunod na tatlong araw at aabot sa “typhoon” category bukas ng tanghali o gabi, Hulyo 30.
Maaari umanong lumabas ng PAR ang nasabing bagyo pagsapit ng Lunes ng gabi, Hulyo 31, o Martes ng umaga, Agosto 1.