Sinuspinde na ng Maritime Industry Authority (MARINA) nitong Biyernes ang safety certificate ng isang pampasaherong bangka na lumubog sa Binangonan, Rizal kamakalawa at nagresulta sa pagkalunod ng nasa 26 na pasahero.

Sa isang pahayag, sinabi ng Marina na agaran nitong sinuspinde ang Passenger Ship Safety Certificate (PSSC) ng motorized banca na Princess Aya, na lumubog pasado ala-1:00 ng hapon nitong Huwebes sa Laguna Lake, sakop ng Brgy. Kalinawan, sa Binangonan matapos na bayuhin ng malalakas na hangin at alon.

“In accordance with the provisions of Republic Act No. 9295 and its implementing Rules and Regulations, specifically the Ship Survey System outlined in MARINA Memorandum Circular No. MS-2023-01, and MARINA Administrative Order No. 11-19, MARINA has suspended the Passenger Ship Safety Certificate (PSSC) of MBca ‘AYA EXPRESS’ effective immediately until further notice from this Authority,” ayon pa sa Marina.

Dagdag pa ng MARINA, “The decision to suspend the safety certificate is in response to the unfortunate sea incident, which raises concerns about the integrity of the ship's hull, integral parts, and other affected machineries/appliances.”

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Sinabi ng MARINA na babawiin lamang ang suspensiyon ng Ship Safety Certificate matapos ang pagsasagawa ng inspeksiyon at kumprehensibong ebalwasyon ng mga Marina inspectors sa sasakyang pandagat.

Tiniyak pa ng ahensiya na ang kaligtasan at kapakanan ng mga pasahero at mga crew nito ang kanilang pangunahing prayoridad.

“…and any reinstatement of the certificate will be based on favorable recommendations ensuring the vessel's compliance with all safety standards and regulations,” anito pa.

Kaagad umano nilang sisimulan ang pagsasagawa ng Marine Safety Investigation (MSI) sa sandaling makumpleto na ang isinasagawang Search and Rescue (SAR) operation sa insidente.

Inisyuhan na rin umano nila ng Show Cause Order ang may-ari ng sasakyang pandagat, gayundin ang pagsasagawa ng administrative proceedings, alinsunod sa kanilang mga rules and regulations.