Going strong pa rin ang 90-anyos na lolo mula sa United States of America, na kinilalang pinakamatandang bodybuilder sa buong mundo, dahil sa gitna ng kaniyang edad, sumasabak pa rin siya sa bodybuilding competitions at nananalo, ayon sa Guinness World Records (GWR).

Sa ulat ng GWR, ginawaran ang retired sales professional at great-grandfather na si Jim Arrington na world title na “world’s oldest bodybuilder” taong 2015, sa edad na 83-anyos.

Sa ngayon ay 90-anyos na umano si Jim ngunit patuloy pa rin siyang na sumasali at nagwawagi pa sa bodybuilding competitions.

“He most recently competed in an IFBB Professional League event in Reno, Nevada, placing third in the men’s over-70 category and first in the over-80 category,” anang GWR.

ALAMIN: Mga dapat malaman at gawin upang maging ligtas sa ‘tsunami’

Kuwento naman ni Jim sa GWR, hindi siya pinanganak na mayroong malakas na pangangatawan. Sa katunayan, pinanganak daw siyang isa’t kalahating buwang premature at may timbang na 2.5 kg.

Dahil dito, nahirapan daw siyang isalba ng kaniyang mga magulang. Pagkatapos no’n ay naging hikain pa umano siyang bata at laging nagkakasakit.

Gayunpaman, 15-anyos daw si Jim nang mapagdesisyunan niyang baguhin ang kaniyang lifestyle at nagsimulang bumuhat ng mabibigat na bagay.

“I wanted to be a superhero,” pagbabaliktanaw ni Jim.

Mula noon, naging “biggest passion” na raw niya ang weightlifting, kung saan kadalasang nagpupunta siya sa gym tatlong beses kada linggo para sa dalawang oras kada session.

Masusustansiyang pagkain lamang din daw ang kinakain niya, tulad ng olive oil at mushrooms.

Sa mahigit 50 taong pagiging bodybuilder, ayon pa kay Jim, ang nasabing GWR title na natanggap niya ay nagbukas sa kaniya ng iba pang oportunidad sa kaniyang karera. 

Higit pa rito, nagbigay umano ng inspirasyon sa kaniya ang titulo para magpatuloy.