Binati ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang Iglesia Ni Cristo (INC) sa kanilang ika-109 Founding Anniversary nitong Huwebes, Hulyo 27.
“Kaisa ng sambayanang Pilipino, binabati ko ang bawat Kapatid ng Iglesia Ni Cristo sa pagdiriwang ng inyong ika-109 na Anibersaryo ng Pagkakatatag,” mensahe ni Marcos sa INC na inulat ng Presidential Communications Office (PCO).
“Nawa’y sa selebrasyong ito, higit pang tumibay ang inyong pagkakaisa sa pananalangin at pagkilos tungo sa katuparan ng inyong mga layunin at mithiin para sa inyong simbahan at sa buong sambayanan,” dagdag niya.
Inihayag din ng Pangulo na umaasa siyang magiging isang mas matatag na religious institution ang INC sa mga susunod na taon.
Binigyang-diin din ni Marcos na natutuwa siyang ibinabahagi ng INC, mga ministro, at mga miyembro nito ang kanilang pananampalataya at mga turo hindi lamang sa pamamagitan ng ebanghelisasyon kundi maging sa pamamagitan umano ng kanilang mga gawa ng kawanggawa.
“Gawin ninyong bukal ng lakas at inspirasyon ang mga aral na iniwan ni Hesus. Ipagdasal po ninyo ang ating bansa at kapwa mga Pilipino na patuloy na pagpalain ng Panginoon at bigyan ng sapat na lakas upang harapin ang mga hamon ng bukas,” saad ng Pangulo.
Umaasa rin daw si Marcos na patuloy na magiging katuwang ng pamahalaan ang INC sa pagsusulong ng isang progresibo, mapayapa, at nagkakaisang bansa.