Pamamahagi ng relief goods sa mga apektado ng bagyong Egay sa La Union, inaapura na!
Minamadali na ang pamahalaan ang pamamahagi ng relief goods sa mga pamilyang apektado ng pagbayo ng bagyong Egay sa La Union.
Sa Facebook post ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), binanggit na tumulong na rin ang mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) at iba pang ahensya ng gobyerno sa paghahanda ng family food packs (FFPs) upang maipamahagi na sa mga pamilyang nangangailangan nito sa naturang lalawigan.
Ang repacking ng relief supplies ay isinagawa sa DSWD-regional warehouse sa Brgy. Biday, San Fernando City, La Union.
Nauna nang isinapubliko ng pamahalaang panlalawigan ng La Union na aabot na sa 365 pamilya o 1,262 inidibidwal ang nabigyan na ng tulong matapos maapektuhan ng hagupit ng bagyo.
Sa pahayag naman ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO), ang mga pamilyang naapektuhan ng bagyo ay mula sa San Fernando City, Luna, Bangar, Bacnotan, San Juan, Sudipen, Agoo, Bauang, Caba, Naguilian, Rosario at Sto. Tomas.