Niyanig ng magnitude 4.1 na lindol ang probinsya ng Camarines Norte nitong Biyernes ng madaling araw, Hulyo 28, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).
Sa tala ng Phivolcs, nangyari ang lindol na tectonic ang pinagmulan bandang 12:57 ng madaling araw.
Namataan ang epicenter nito 13 kilometro ang layo sa hilagang-silangan ng Tinaga Island ng Vinzons, Camarines Norte, na may lalim na 1 kilometro.
Naitala ang Instrumental Intensity I sa Daet, Camarines Norte, at Sipocot, Camarines Sur.
Wala namang inaasahan ang Phivolcs na posibleng aftershocks ng lindol.
Hindi rin umano inaasahang magdudulot ng pinsala ang nasabing pagyanig.